May tapyas sa presyo sa diesel at kerosene na posibleng asahan sa unang linggo ng Enero 2024, ayon sa isang opisyal ng Department of Energy.
Sa pagtaya sa galaw ng merkado sa nakalipas na apat na araw, sinabi ni DOE-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, na maaaring P0.10 hanggang P0.35 bawat litro ang mabawas sa presyo ng diesel.
Mas malaki naman ang posibleng rollback sa kerosene na aabot sa P1.00 hanggang P1.10 per liter.
Habang sa gasolina, maaaring walang maging paggalaw o bahagyang P0.10 per liter na dagdag sa presyo ang mangyari.
“These are attributed to the ease of concerns about shipping disruptions along the Red Sea and the Russian oil output expected to hold steady in 2024. Russia diverted its oil exports from Europe to India and China,” ayon kay Romero.
“Final adjustments will be realized at the end of the Friday trading,” dagdag niya.
Sa panayam sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, halos magkatulad din ang pagtaya ni DOE-OIMB Director Rino Abad, sa magiging galaw ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Nitong nakaraang Martes, nagkaroon ng malakihang price hike sa mga produktong presyo. Umabot sa P1.60 per liter sa gasolina, P1.70/L sa diesel, at P1.54/L sa kerosene.—FRJ, GMA Integrated News