Nauwi sa malagim na trahedya ang selebrasyon ng bagong kasal sa Iraq nang masunog ang gusali na pinagdadausan ng kasiyahan na nagresulta sa pagkasawi ng 100 katao, at ikinasugat ng 150 na iba pa.

Ayon sa ulat ng Reuters, nangyari ang insidente sa Hamdaniya district sa lalawigan ng Nineveh.

Inihayag ni Nineveh Deputy Governor Hasan al-Allaq na 113 katao na ang kumpirmadong nasawi, habang 100 naman ang bilang ng mga nasawi na inilabas ng state media.

Sinasabing nagsimula ang sunog sa pagsisindi ng fireworks na ginamit sa selebrasyon.

"We saw the fire pulsating, coming out of the hall. Those who managed got out and those who didn't got stuck. Even those who made their way out were broken," ayon sa nakaligtas na si Imad Yohana, 34-anyos.

Sa paunang imbestigasyon, lumilitaw na gawa sa highly flammable construction materials ang gusali, na dahilan sa mabilis na pagkalat ng apoy at gumuho rin ang kisame. -- Reuters/FRJ, GMA Integrated News