Kinagiliwan ng netizens ang kamuntikang paghalik ng isang bagong kasal sa mga hawak nilang kalapati matapos tila ma-nosebleed ang videographer at magbigay ng instruction na “kiss the dove.”

Sa ulat ni Ian Cruz sa State of the Nation, mapapanood sa video ni Vincent Paulo Cortes ang post-nuptial shoot ng newlyweds na sina Haskell at Eline.

Para patatagin pa ang kanilang kasal, mayroong pa-white dove ang bride at groom.

Ngunit ang sweet na eksena, nauwi sa kulitan nang malito sina Haskell at Eline dahil sa direksyong “kiss the bride” ng videographer.

Mga kalapati pala ang dapat maghahalikan bilang bahagi ng tradisyon na dove kissing sa Pinoy kasalan.

Napasabak sa Inglisan ang crew ng video and photo team dahil isang foreigner si Eline.

Patok ang kanilang struggle sa pag-Ingles, kaya nagbigay na rin ng suggestions ang ilang netizens.  Ang iba naman, nagdalawang isip na kung mag-aasawa pa ng AFAM.

Nagkaroon man ng pagkakamali sa instruction, nairaos pa rin ang shoot, natuwa rin ang mag-asawa at nakapaghatid sila ng saya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News