Ibinasura ng Las Piñas Regional Trial Court nitong Biyernes ang kasong illegal drug possession laban kay Juanito Remulla III, anak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla. Ang abogado ni Juanito, tiwalang maaabusuwelto rin ang kaniyang kliyente sa isa pang reklamo kaugnay sa nabasurang kaso.
Sa 34 na pahinang desisyon ng Las Pinas Regional Trial Court Branch 197, nakasaad na walang malinaw na katibayan na “freely, consciously, and with full knowledge" ang akusado sa pagtanggap ng nakumpiska umanong ilegal na droga na marijuana.
“There is reasonable doubt that the accused received and possessed the parcel delivered to him with the knowledge, consciousness, and awareness that said parcel contained marijuana,” ayon sa desisyon.
Hindi rin umano sapat na katibayan na sangkot sa ilegal na gawain ang pagtanggap ng pakete sa isinagawang "controlled delivery" ng mga awtoridad.
“Unfortunately, apart from showing that the package or parcel was handed to the accused, the prosecution did not present other evidence to show that the former knew that it contained marijuana,” ayon sa korte.
Dinakip si Juanito sa tinatawag na "controlled delivery operation" na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency at Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa Talon Dos, Las Piñas noong October 11.
Naghain ng not guilty plea si Juanito nang basahan ng sakdal sa kasong illegal drug possession.
May pagdududa ang korte sa "identity, integrity, and evidentiary value of the purportedly seized dangerous drugs" dahil nasabat umano ang pakete noong September 28, 2022, at naipasa sa customs examiner noong October 4.
“As to the effect, however, it has put into question the identity, integrity, and evidentiary value of the purportedly seized dangerous drugs. This is especially true when there is nothing in the records that would show how the parcel… was handled, stored, and preserved from the time it was discovered on September 28,” saad sa desisyon.
Dumalo sa pagdinig si Juanito, pero hindi na nagbigay ng pahayag matapos pawalang-sala ng korte sa nasabing kaso.
Ayon sa isang abogado ni Juanito na si Atty. Pearlito Campanilla, ibinasura ng korte ang kaso laban sa kaniyang kliyente dahil sa usapin ng chain of custody ng ebidensiya.
"Doon po mismo sa mga affidavit of arrest at sa testimony mismo ng mga PDEA agent, inanim nila na nung dumating 'yung parcel sa bahay ni Mr. Remulla, sinabi niya hindi ko ine-expect 'yan," ani Campanilla.
"And nung tinanong siya, kilala mo ba ‘yung shipper na si Benjamin Hopman, ang sabi niya, hindi ko kilala 'yan,” dagdag niya.
Patuloy pa ni Campanilla, nagpakita umano si Juanito ng ID sa mga awtoridad na nakasaad ang kaniyang pangalan na Juanito Jose Remulla III. Habang ang nakasaad na shipping form ay Jose Juanito Remulla.
Ipinahawak umano ng mga awtoridad sa kaniyang kliyente ang kahon bago siya inaresto.
"Hindi pa niya alam kung ano yung nakalagay sa loob ng box, hinuli na siya, inaresto na siya," sabi ng abogado.
Hihilingin umano nila sa korte na palayain na ang kaniyang kliyente.
"[W]e shall endeavor to immediately secure the release of Joey Remulla from detention. His freedom comes as a matter of course, the logical and legal consequence of his being found innocent," ani Campanilla.
Tiwala rin ang abogado na mababasura rin ang isa pang reklamo na isinampa laban sa kaniyang kliyente na importation of dangerous drugs at paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act na nakabinbin sa Pasay City Prosecutor’s Office.
"There is the remaining matter of the second case filed against him, that is illegal importation but we are confident that the same will be given the same treatment as with this case," pahayag nito. —FRJ, GMA Integrated News