May panibagong malakihang tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa Martes, July 19. Ito na ang ikatlong sunod na linggong fuel price rollback sa langis.

Sa abiso ng Seaoil Philippines Inc., sinabi nito na P5.00 per liter ang mababawas sa presyo ng gasolina, P2.00/L sa diesel, at 70 sentimos per liter sa kerosene.

Kaparehong halaga rin umano ang ipatutupad ng tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo ng Cleanfuel at Petro Gazz, maliban sa kerosene na wala sila.

Ipatutupad ang oil price rollback sa ganap na 6 a.m. sa Martes, July 19.

Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, ilan sa mga posibleng dahilan ng pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo ay ang mga lockdown sa ilang bahagi ng China, at ang interest rate hikes ng US at iba pang bansa.—FRJ, GMA News