Binalewala muli ng China ang mga diplomatic protest na isinampa ng Pilipinas laban sa kanila. Giit ng Beijing, ipagpapatuloy nila ang "law enforcement activities" sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

Una rito, inireklamo ng Pilipinas ang ginagawang panggigipit ng Chinese vessels sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na nagsasagawa ng maritime patrol sa karagatang sakop ng Pilipinas.

"China's position on the South China Sea issue is consistent and clear-cut. It is legitimate and reasonable for China's maritime law enforcement authorities to conduct law enforcement activities in waters under China's jurisdiction in accordance with domestic laws and international laws, including the United Nations Convention on the Law of the Sea," ayon kay Chinese Foreign Ministry spokesman Wang Wenbin sa press briefing sa Beijing nitong October 21.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, mahigit 200 diplomatic protests ang isinampa nito laban sa China dahil sa "unlawful radio challenges, sounding of sirens, and blowing of horns" sa mga nagpapatrolyang Philippine vessels sa bahagi ng West Philippine Sea.

Bukod sa Pilipinas at China, may inaangkin din teritoryo sa South China Sea ang Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan.— FRJ, GMA News