Nabulilyaso ang pangho-holdap ng grupo ng kalalakihan sa isang gasolinahan sa Arizona, USA matapos lumaban sa kanila ang isang kostumer-- na isa palang Marine Corps veteran.
Sa video ng Yuma County Sheriff's Office na ipinalabas ng Storyful, na mapapanood din sa GMA News Feed, makikita na nakatayo ang Marine veteran sa tapat ng cashier ng naturang gasolinahan.
Maya-maya pa, pumasok ang dalawang lalaki at tinutukan ng baril ang kostumer. Pero hindi natakot ang lalaki at inagaw nito ang baril na itinutok sa kaniya.
Sa tagpong ito, napatakbo na palabas ang kasamahan ng gunman.
"When Deputies contacted the customer, who previously served in the United States Marine Corps, and asked how he was able to take control of the situation, he stated 'The Marine Corps taught me not to [mess] around,'" ayon sa mga opisyal ng Yuma County Sheriff's Office.
Hindi pinakawalan ng matapang na kostumer ang suspek, na napag-alamang menor de edad, hanggang sa dumating na ang mga pulis.
Dinala sa Yuma County Juvenile Justice Center ang suspek, samantalang pinaghahanap pa ang dalawa niyang kasamahan na nakatakas matapos ang insidente.
Masuwerteng walang nasaktan sa naturang insidente.--FRJ, GMA News