Dahil sa pagsirit ng presyo sa mga produktong petrolyo, may mga nagmumungkahing suspendihin ang koleksyon ng buwis dito. Pero ayon sa Department of Finance (DOF), bilyon-bilyon ang mawawala sa kita ng gobyerno kapag ginawa ito.

Sa memorandum kay Finance Secretary Carlos Dominguez III nitong October 20, sinabi ni Finance Undersecretary for Revenue Operations Group Antonette Tionko, na aabot sa P131.4 bilyon ang mawawalang kita ng gobyerno sa 2022 kapag itinigil ang excise tax sa petroleum products.

Mungkahi ni Tionko, “Any suspension of excise taxes should be appropriately studied as the revenue to be foregone is substantial and may affect the government’s budget for COVID-19 recovery measures.”

Una rito, iminungkahi ni Energy Secretary Alfonso Cusi na bigyan ng kapangyarihan ang kaniyang kagawaran na suspindehin ang excise tax sa krudo dahil sa tumataas na presyo nito.

Sa pagtaya ni Cusi, P8 hanggang P10 bawat litro ang matatapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo kapag sinuspendi ang excise tax.

Ipinataw ang P10 per liter excise tax sa gasolina, P6 per liter sa diesel, at P5 per liter sa kerosene sa bisa ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Sa naturang batas, may probisyon na nakasaad na puwedeng suspendihin ang excise taxes kapag ang average Dubai crude oil sa loob ng tatlong buwan ay umabot na sa $80 per barrel.

Gayunman, nagtapos na ang bisa ng naturang probisyon noong 2020, matapos na maipatupad ang last tranche ng ginawang tatlong bagsakan ng pagpataw ng buwis na sinimulan noong 2018.

Ayon kay Cusi, kailangan ng bagong batas para maipatupad ang naturang probisyon at hindi umano ito puwedeng gamitan ng executive order ng Pangulo.

Sang-ayon naman si Tionko na tanging batas lang ang makapagbibigay sa DOE ng kapangyarihan na suspendihin ang pagsingil ng buwis sa mga produktong petrolyo.

“The power of taxation is vested in Congress and absent any law (such as Bayanihan 1), the DOE, the DOF, or any other agency of the government has no power to suspend the imposition of excise taxes,” anang opisyal.—FRJ, GMA News