Naka-isolate ngayon si Trade Secretary Ramon Lopez matapos siyang magpositibo sa COVID-19. Siya na ang ika-apat na miyembro ng Gabinete na tinamaan ng naturang virus.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabing sinuri si Lopez nitong weekend matapos na makaugnayan ang isang tao na unang nagpositibo sa virus noong December 2, 2020.
"Am asymptomatic naman but am on full isolation already," sabi ng kalihim.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na huling dumalo si Lopez sa pulong kay Pangulong Rodrigo Duterte noong November 20.
Hanggang nitong Martes, December 8, 2020, umabot na sa 442,785 ang naging kompirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa naturang bilang, 408,790 ang gumaling na at 8,670 ang nasawi.
Ilan sa mga Cabinet na nagpositibo sa COVID-19 at gumaling ay sina Interior Secretary Eduardo Año, Public Works Secretary Mark Villar, at Education Secretary Leonor Briones. —FRJ, GMA News