Habang papalapit ang Pasko, pinaalalahanan ni Manila Mayor Isko Moreno ang publiko laban sa iba't ibang uri ng modus operandi ng mga kriminal tulad umano ng "susi-susi," "itlog" at "spiderman."

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ni Moreno na ang "susi-susi" modus ay taktika ng mga kriminal na mapababa sa sasakyan ang kanilang bibiktimahin.

“‘Pag nakikita ka nilang nagda-drive mag-isa, dudunggulin ‘yong likod mo. So ang tendency, bababa ka. ‘Pag baba mo ‘yon na ‘yon, holdap na ‘yon at maaari pang carnap o carjacking,” sabi ng alkalde.

“’Wag kang bababa ng kotse, kunin mo na lang ‘yong plate number noong nakabunggo sa’yo tapos pumunta ka na sa pinakamalapit na police station," patuloy niya.

May modus din umano na ginagamit ng mga kriminal ang itlog na ibinabato sa windshield ng sasakyan.

"‘Yong itlog binabato nila sa windshield. Ang payo ko, ‘wag na lang gagamitin ‘yong wiper, lalong lalabo ‘yong windshield so ang tendency bababa ka o doon ka na maaaring madisgrasya,” dagdag niya.

Ayon sa alkalde, hindi tumitigil sa masasamang gawain ang mga kriminal kahit mayroong COVID-19 pandemic.

“Sa ating mga kababayang nanonood, lalo na kung kayo ay babae, nagmamaneho mag-isa, mag-iingat kayo at ‘wag masyadong naniniwala. Always think twice na bigla na lang may magmamalasakit sa inyo kuno. Hindi ‘yan random,” payo niya.

Ipinaalala rin ni Moreno ang mga kawatan na ang tinatarget ay mga truck na naiipit sa traffic.

May grupo rin na kung tawagin umano ay “jumper boys” at “spiderman.”

“Hawak sila ng sindikato at nagdi-distribute ng kuryente sa mga iskwater tapos sila naniningil,” patuloy ng alkalde.

Kasabay ng paalala niya sa publiko, binalaan din ni Moreno ang mga kriminal na hindi niya tatantanan.

“‘Pag ginawa niyo sa Maynila, ‘di namin kayo tatantanan. ‘Yan naman ang garantiya namin sa’yo. Magtago na kayo saan man sulok ng ating bansa, hahabulin namin kayo,” ayon kay Moreno.—FRJ, GMA News