Isang lalaki na galing pang Davao City ang napilitang makisakay sa isang truck at maglakad ng ilang oras para lamang makarating sa kaniyang kapatid sa Paranaque City galing Bulacan, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Martes.
May 15 pa nang lumuwas galing Davao City si Alex Casal. Sa Bulacan, tinangka niyang mag-apply ng trabaho bilang driver sa isang trucking company kahit alam niyang may pinaiiral na community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.
"Talagang mahirap po pero kung hindi ka magtrabaho, sabihin man natin na bawal, paano po ang tiyan natin?" ani Alex.
Pero dahil hindi pa natatanggap, napilitan si Alex na puntahan muna ang kaniyang kapatid sa Paranaque City.
Para makarating sa Paranaque, nakisakay si Alex sa isang truck ng saging na nagbaba sa kaniya sa Paranaque City Hall. Dito siya nagsimula maglakad papunta sa bahay ng kaniyang kapatid.
Sa panayam, sinabi ni Alex na may tatlong oras na siyang naglalakad at magdamag nang hindi kumakain.
Sa tulong ng ilang volunteers, narating ni Alex ang compound kung saan nakatira ang kaniyang kaanak.
Bagama't nakarating na sa kaniyang destinasyon, hindi pinayagang makapasok agad sa bahay ng kaniyang kapatid si Alex. Kinakailangan daw niya kasing mag-COVID-19 test at mag-quarantine ng 14 araw para payagang manatili doon.
Handa naman daw sumunod si Alex sa protocol. --KBK, GMA News