Nagpaalala si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa nagmungkahi sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Europe ng "zero remittance week," o hindi magpapadala ng remittance sa bansa, na isipin ang magiging masamang epekto nito maging sa hanay ng mga migranteng manggagawa.

''Whoever advised Filipino OFWs to suspend the remittance of their earnings abroad to the country should think many, many times about the adverse consequences of that advice... As I said before, 'For every action there is always a possible counteraction,''' pahayag ni Enrile sa social media post nitong Miyerkoles.

Paalala rin ni Enrile sa mga OFW, ''study carefully that advice to them before they get burned by it.''

''If such an advice is followed by some OFWs, what will happen should Congress, for instance, retaliate and cancel or also suspend the tax privileges of the OFWs that follow the advice? The OFWs are income tax--free on their earnings abroad; they do not pay travel taxes; they do not pay airport fees; they are exempt from the documentary stamp taxes on their remittances; and they are also exempt from filing income tax returns,'' sabi pa ni Enrile.

Una rito, iniulat na plano ng mga OFW sa Europa na tutol sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na isagawa ang zero remittance week sa March 28 hanggang April 4, 2025.

Matapos arestuhin si Duterte noong March 11, inilipad siya at idinetine sa The Hague, Netherlands upang litisin ng International Criminal Court dahil sa bintang na crimes against humanity bunsod ng madugo niyang kampanya na war on drugs.

Libu-libo ang namatay sa naturang kampanya, na nagkaroon umano ng mga paglabag sa karapatang pantao at may nadamay na mga inosente.

Sa press briefing, ipinaalala rin ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, na dapat din ikonsidera ng mga OFW ang magiging epekto ng naturang paraan ng protesta sa kani-kanilang pamilya.

Maaari din umanong kasuhan ang mga nag-uudyok para sirain ang takbo ng gobyerno at makakasira sa ekonomiyang bansa.

''Sa ngayon po of course kapag po ito ay nag-uudyok, mayroon po tayong sinasabing mga inciting to sedition, bakit – ito po ay gustong sirain ang pagpapatakbo ng administrasyon. Ito ay makakasira sa ekonomiya ng bansa," pahayag niya.

''Pero as we speak now, wala po tayong nakikita na ating sasampahan ng kaso – wala pa po tayo sa ganiyang sitwasyon,'' dagdag ni Castro, na nauna nang nagpahayag na dapat maging mahinahon ang mga OFW.

Umaasa din siya na mauunawaan ng OFWs na ipinatupad lang ng gobyerno ang batas sa naturang usapin ng pag-aresto kay Duterte.

Sa pinakahuling datos mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang mga cash remittances o mga money transfer na dumaan sa mga bangko o pormal na channels ay umabot sa $2.918 bilyon, mas mababa mula sa $3.380 bilyon noong Disyembre 2024, ngunit mas mataas kumpara sa $2.836 bilyon noong Enero 2024.

Ang remittance mula sa Amerika ang may pinakamalaking bahagi na 41.2%, sinundan ng Singapore na may 7.5%, Saudi Arabia na may 6.6%, Japan na may 5.7%, United Kingdom na may 4.7%, UAE na may 3.5%, Canada na may 3.1%, Taiwan at Qatar na may tig-2.8%, at Malaysia na may 2.4%, habang ang ibang mga bansa ay may kabuuang 19.7%.

Ayon kay Michael Ricafort, chief economist ng Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC), maaaring maging "manageable" ang mga epekto ng planong zero remittance mula sa Europe dahil inaasahan na hindi naman lahat ng OFWs doon ang makikilahok sa protesta sa remittance.

Batay umano sa datos, ang Europa ay kumakatawan sa 10.8% ng kabuuang remittance noong Enero, at 5.3% nito ang mula sa European Union.

“(T)he effects could be slight/manageable given the relatively lower share of total OFW remittances for Europe and EU. However, not all would also participate, in view of diverse views by OFWs. Some OFWs may not participate if their families/dependents need the money that they send in view of the need to pay for basic necessities,” paliwanag niya.-- mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo//Jon Viktor CabuenasFRJ, GMA Integrated News