Dalawang jailguard ng Pasay City Jail ang sugatan nang magkagulo sa kulungan habang inililipat ang ilang preso nitong Huwebes.

Ayon sa ulat ni JP Soriano sa 24 Oras, nakatamo sina JO1 Jeremy Addawe at JO1 Jessie Boy Alverio ng sugat sa kanilang katawan nang mabato at masaksak ng piraso ng nasirang monoblock noong kaguluhan.

Ang insidente raw ay nagsimula nang pumalag ang 12 preso sa sapilitang pagpapalipat sa kanila sa Bicutan, Taguig.

Ini-lockdown ang Pasay City Jail nang mangyari ang komosyon at pinaalis ang mga bumibisita. Ayon sa mga saksi sa labas ng city jail, sumisigaw at humihingi raw ng saklolo ang mga preso.

Umamin naman ang tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BKMP) na si Xavier Solda na sila ay nagpaputok ng warning shot gamit ang rubber bullets upang hindi na lalong lumala ang gulo.   

Ngunit, aniya walang nasugatan sa mga preso at ang nasaktan pa nga ay ang mga jail guard.

Sabi naman ng saksi na si Thelma, mayroong bugbugan na nangyari.

"Bugbugan, paluan, ganun lang. Basta magulo, away, nagtago kami sa ilalim ng lamesa ng anak ko. May nakita [a]ko[ng] nakaputing ganyan nagbubugbugan [n]ang mga preso,” ani Thelma. 

Ayon naman kay Catherine Florentino, ang kapatid ng isa sa mga presong ililipat, mayroon raw pumasok sa selda upang banatan ang isang preso.

"Bigla pong pumasok sa selda binanatan niya yung isang preso [...] yung BJMP na isang empleyado hinihila po yung isang inmate,” ani Florentino.

Ngunit sabi ni City Jail Warden Joe Jay Arejola, humingi raw ng saklolo si Addawe.

"Si Addawe nasa loob ng selda so sumigaw siya. Si Alverio tinulungan siyang makalabas naano siya galing sa labas kasi kung hindi siya po nakalabas malamang namatay yung JO1 Addawe," ani Arejola.

Ang isa namang dalaw ay naabutang umiiyak ng GMA News dahil siya raw ay sinabihan na namatay ang kanyang asawa.

Itinatanggi naman ng BJMP na mayroong namatay.

Ayon kay Solda, ang apat sa 12 ay inililipat lamang dahil sila ay mayroong Tuberculosis, habang ang walo ay inililipat dahil sa pagiging pasaway at magulo ng mga ito.

Natuloy naman ang paglipat sa kanila sa Bicutan, Taguig.

Under control na raw ang situation at hindi na naka lockdown ang prisinto habang ang Pasay City Police ay iniimbistigahan na ang nangyari. —Joahna Lei Casilao/LDF, GMA News