Galit na kinompronta ni NCRPO Chief Major General Guillermo Eleazar ang dalawang pulis at isang police "asset" na sangkot umano sa panghu-"hulidap" sa isang lalaki sa Pasig.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang mga naarestong pulis na sina Police Corporal Roy Duman-ag, Patrolman Pat Velardo at kanilang asset na si Janus Francisco.

Ayon sa biktima, pauwi na siya nitong Lunes ng gabi nang harangin siya ng mga suspek at akusahan na drug user.

"Pinalibutan na po ako nila, tapos, ipinasok ako sa mga kubo-kubo doon, du'n na po ako kinunan ng pera," anang biktima na sinabing tinutukan din siya ng baril at sinikmuraan.

Kinuha umano ng mga suspek ang P850 na pera ng biktima at wedding ring.

Ayon sa asawa ng biktima, irereport lang sana nila sa pulisya na naholdap ang kaniyang mister at nagulat sila nang malaman na pulis ang mga suspek.

Sa follow-up operation, nadakip ang tatlo at nakuha ang singsing ng biktima.

Ayon kay Police Colonel Rizalito Gapas, hepe ng Pasig police, may ginagawang operasyon ang kaniyang mga tauhan sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) pero hindi nila na may sariling lakad na kinaga ang mga suspek nang walang pahintulot sa kaniyang tanggapan.

Sabi ni Eleazar, "Itong dalawang pulis na ito, walang legitimate police ops that time. And yet, nandoon sila at nagsasagawa ng operation na hindi sanctioned ng istasyon."

Lalo pang nagalit si Eleazar nang itanggi ng isang pulis ang alegasyon laban sa kanila at mangatwiran.

Robbery with intimidation ang kakaharaping kaso ng mga suspek, at tiniyak ni Eleazar na matatanggal ang mga ito sa serbisyo.-- FRJ, GMA News