Mahiyahin man, puno pa rin ng ngiti ang 5-anyos na batang babaeng si Joanna Balansag ng Negros Oriental tuwing napapanuod niya sa TV ang idolo niyang si Willie Revillame.

Maliban sa panonood, gaya ng mga batang ka-edad nya, mahilig din si Joanna sa mga kendi, sa mga bagay na kulay pink, at kumain sa paborito niyang fastfood. Ngunit sa kabila ng mga ngiti at tawa, isang seryosong kondisyon sa puso ang kinahaharap ng bata.

Kamakailan lamang ay natuklasan ng mga doktor na may butas ang kanyang puso at nangangailangang operahan. Ito raw marahil ang dahilan kung bakit pala madalas ubuhin, manghihina, at hirap kumain si Joanna.

"Walang-wala naman kami. Mahirap lang kami. Saan kami kukuha ng perang panggamot," sabi ng ama ni Joanna na si Junrel Balansag, 30, na isang truck driver.

Sa tulong ng ilang mga kamag-anak, kapitbahay at kaibigan, nakalikom sila ng kaunting halagang pandagdag sa gastusing medical ng bata.

Umabot din sa Facebook ang kanilang apela para sa tulong, sa pamamagitan ng paggawa ng isang account kung saan makikita ang kuwento at larawan ng bata, pati rin kung paano makakapagpaabot ng tulong.

Bagaman bumuhos ang tulong at suporta, hindi pa rin ito sapat sa kailangan ni Joanna. Sa kabutihang palad, nakaabot ang FB post sa isang kumpanya sa Baguio City na gumagawa ng turmeric tea.

Ibinyahe agad si Joanna sa Maynila sa tulong ng Yamang Bukid Healthy Products Inc, na siyang sumagot sa pamasahe, pagkain, tutuluyan, at iba pang gastusin ni Joanna at ng kanyang pamilya habang nasa lungsod. Sinagot na rin ng kumpanya ang gastos sa mga medical test, at nangakong tutulong rin sa kinalaunang rehabilitasyon at pagpapagaling ng bata.

Nitong Miyerkules, sinimulan nang tignan ng mga espesyalista sa Philippine Heart Center si Joanna, na sumailalim sa isang cardiac catheterisation, kung saan susubukang silipin ang puso ng bata sa pamamagitan ng pagpasok ng isang tubo sa kanyang mga ugat sa puso.

"Naaawa ako sa kanya dahil napakabata pa niya pero pinagdadaanan na niya lahat 'to," sabi ni Junrel, bagaman malaki ang pasasalamat ng pamilya sa lahat ng tulong na dumating para sa kanila. — MDM, GMA News