Mga anak ng mataas na opisyal ng Philippine National Police at Bureau of Jail Management and Penology ang dalawa sa tatlong kadete ng Philippine National Police Academy na nagpagawa umano ng kahalayan sa dalawang plebo nito.

Ito ang kinumpirma ng isang mataas na opisyal ng PNPA kasunod na rin ng nagpapatuloy na imbestigasuon sa naturang kaso. Hindi naman inihayag ang pagkakakilanlan ng mga kadete.

Tiniyak naman ng isang opisyal ng PNPA na patas ang ginagawa nilang imbestigasyon sa kaso ng tatlong kadete.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB kay Police Supt Basman Macarangal, hepe ng Inteligence and Investigation Division ng PNPA, titiyakin ng PNPA na hindi maiimpluwensyahan nino man ang imbestigasyon laban sa tatlong kadete.

Ayon kay Macarangal, mayroon silang 60 araw bago makapagpalabas ng desisyon sa naturang kaso.

Inihayag pa ni Macarangal na pinakamabigit na parusa na kakaharapin ng tatlo ay ang pagpapatalsik sa PNPA.

Hindi na rin daw maaaring mag-apply muli sa Academy kung mapapatunayang may administrstive violation at madi-dismiss ang mga sangkot sa insidente.

Subalit sa kasalukuyan, tuloy pa rin ang tatlo sa training at pag-aaral sa PNPA hanggat hindi pa sila nahahatulan.

Pero hinigpitan na ang kilos at galaw ng tatlo at pinagbawalan na makipag-usap sa sinomang kadete. —NB, GMA News