Patay ang isang binatilyo sa Antipolo City matapos daw makipagsuntukan sa mga kapwa niya binatilyo.
Naganap ang insidente sa Sitio Phase 1 Otso, Bonica Road sa Brgy. San Isidro bandang 6 p.m. nitong Sabado.
Ayon sa pulisya, naglalakad sa lugar ang isa sa dalawang suspek nang madaanan niya ang nakatambay na biktima, na siya raw naghamon ng suntukan.
"'Yung suspect natin ay napilitang makipag-away na kasi nga pinipilit siya nung biktima natin na hamunin talaga," ani Alnor de Vera Tagara, PCP1 commander ng Antipolo City Police Station.
Nagawa pa raw awatin ng ilang saksi ang pag-aaway, pero naulit daw ang suntukan nang dumating ang ikalawang suspek.
"Naibabawan itong biktima ng nasabing suspect natin at kung saan, nahawakan niya 'yung ulo at yun na, naipag-untugan niya sa semento, kung saan ay nawalan ng malay ang nasabing biktima," ani Tagara.
Kinilala ang biktima na si Ar-Jay Tanteo, 14 anyos, isang Grade 7 student at residente ng Sitio Maligaya, Brgy. San Isidro, Antipolo City.
Mismong mga suspek na pawang 16 at 17 anyos daw ang dumulog sa Brgy. San Isidro para ipagbigay-alam ang kinasangkutang insidente.
"Umamin naman sila na talaga sila 'yung gumawa. Ngayon, hindi naman nila inaasahan na 'yung bata ay mamamatay. Ang inexpect lang nila, nabugbog lang nila," kuwento ni Marvin Corpuz, chief tanod ng Brgy. San Isidro.
Ayon sa pulisya, nang maaresto ang mga suspek ay binantaan pa nila na babalikan ang mga nakasaksi sa suntukan.
Kuwento ng kaanak ng biktima, base sa ulat ng ilang witness, hindi totoo na ang biktima ang naghamon ng away…
"Itong kapatid ko nagpi-piso wifi doon sa kanto. Ngayon, may dalawang bata na bigla siya nakursunidahan, sinuntok daw siya. Ito naman, syempre, nasaktan, gumanti siya. Doon na nagsimula yung commotion," sabi ni Jobert Juanerio, kapatid ng biktima.
Nakauwi pa raw sa kanilang bahay si Ar-Jay matapos ang insidente pero paglipas ng ilang oras ay nagsusuka na raw siya, dahilan para dalhin siya sa ospital kung saan siya binawian ng buhay kalaunan. Nakaburol na ngayon ang biktima.
"Sobrang sakit po, para po akong durog na durog… simula nung bata hanggang lumaki, ikaw 'yung naggabay sa kaniya. Tapos parang kukunin lang nila na basta-basta 'yung buhay ng tao," ani Jovy Ann R. Juanerio, kapatid ng biktima.
Nasa kustodiya na ng Bahay Kalinga sa Brgy. Dela Paz ang mga menor de edad na suspek. Sinisikap ng GMA Integrated News na makunan sila ng pahayag. —KBK, GMA Integrated News