Si Kokoy De Santos ang itinanghal na "Running Man Philippines" Season 2 ultimate runner matapos ang matinding kompetisyon nila ni Buboy Villar sa finale.

Sa finale kung saan kailangang makuha ang name tag ng kalaban, nauna si Kokoy na maalis ang pangalan ni Buboy.

Una rito, pinatalsik muna ni Kokoy ang mga nakatunggali rin na sina Miguel Tanfelix at Ruru Madrid.

Samantanla, si Glaiza De Castro naman ang naunang nakasagupa ni Buboy.

Ang defending champ at 1 season ultimate winner na si Angel Guardian, kabilang sa naunang napatalsik sa finals.

Sa social media post, pinasalamatan ni Kokoy ang kaniyang mga kapuwa runners, ang kaniyang pamilya at ang lahat ng naniwala sa kaniya.

“Maraming Salamat sa inyong lahat na nagtiwala sa akin, na kaya ko. Noong simula palang.. may mga bagay na tumatakbo sa utak ko na kung bakit ako parte ng napakalaking proyekto na ito. Pero nandiyan kayo para palaging ipaaalala sa akin. Na kaya ko. At ito. Para sa inyo ito.. Pamilya ko, mga Tropa ko at sa mga Kolokoys ko,” saad ni Kokoy.

“Sa lahat ng bumubuo ng ‘Running Man Philippines’, sa mga runners ko, mahal ko kayo. Hanggang sa muli.. Tatakbo tayo ulit,” patuloy niya.— FRJ, GMA Integrated News