Nahuli-cam sa isang barangay sa Mamburao, Occidental Mindoro ang tila isang mag-ama na nakasilong sa waiting shed. Maya-maya lang, umalis ang lalaki at naiwan ang kaawa-awang bata.
Sa video ng "For Your Page" ng GMA Public Affairs, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Singko.
Habang mag-isang nakaupo sa shed ang bata, napadaan sa lugar si Khate Reyes at napansin ang paslit na nag-iisa.
Nagmagandang-loob siya na samahan ang bata sa shed at naghintay kung may darating para kunin ang bata.
"Daanan po ng mga sasakyan [yung lugar]. Baka tumawid [yung bata], mabangga po. 'Yun ang nasa isip ko," paliwanag ni Reyes kaya hindi niya iniwan ang bata.
Kinalaunan, itinawag na ni Reyes sa barangay ang nakita niyang bata sa shed.
Sa pagnanais na matunton agad ang pamilya ng bata, kinunan ni Reyes ng larawan ang paslit at ipinost sa social media.
Kinupkop naman muna ng Social Welfare Office ng barangay ang bata na maayos naman ang kalusugan maliban sa mga kagat ng langgam at maliliit na sugat sa paa at daliri.
Hindi rin naman nagtagal, may nakipag-ugnayan sa barangay na nagpakilalang lolo at lola ng bata.
Matapos maberipika ng barangay, ipinagkatiwala sa kanila ang apo.
Kinumpirma naman ng lola na anak niya ang lalaking kasama ng bata sa shed, at mag-ama ang dalawa.
Hiwalay na umano ang mga magulang ng bata, at naiwan sa poder ng kanilang anak ang pangangalaga sa kanilang apo.
Ngunit hindi raw nila alam kung bakit iniwan ng kanilang anak ang kanilang apo, at hindi rin nila alam kung nasaan ngayon ang kanilang anak.
Handa naman sina lolo at lola na kupkupin at alagaan ang kanilang apo.
Pero may pananagutan ba sa batas ang ama ng bata kung talaga iniwan niya sa shed ang kaniyang anak? Alamin sa video ang paliwanag ng isang abogado. --FRJ, GMA Integrated News