Parusang pagkakabilanggo ng habambuhay ang iginawad ng korte sa California, USA, laban sa isang lalaki na dating Tiktok personality dahil sa pagpatay niya sa kaniyang Pinay na misis, at sa kaibigan nito.

Isinakdal si Ali Abulaban, 32-anyos, na kilala sa social media bilang si "Jinnkid," dahil sa pagpatay niya sa kaniyang 28-anyos na asawang Pinay na si Ana Abulaban, at sa kaibigan nito na si Rayburn Cardenas Barron.

September 7 nang igawad ng korte kay Ali ang hatol na pagkakakulong ng 50 years to life in prison na walang posibilidad ng parole sa San Diego, California, ayon sa CBS8 television station website.

Hindi na maayos ang samahan ng mag-asawa nang puntahan ni Ali ang biktima sa apartment nito noong October 2021 at pagbabarilin sina Ana at Barron.

Nalaman umano ng suspek na may kasama si Ana dahil sa app na inilagay nito sa iPad ng kanilang anak na babae.

Inamin ni Ali ang pagpatay at sinabing mayroong siyang mental health issues at problema rin ang cocaine addiction.

Ayon sa prosekusyon, hiniwalayan ni Ana si Ali dahil sa pananakit at pambababae ng akusado.— FRJ, GMA Integrated News