Hinoldap na, ginahasa pa ang isang babaeng Vietnamese sa na-booked niyang ride hailing service bago siya ibinaba sa Paranaque City.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong madaling araw ng September 5.

Sa kuha ng CCTV camera sa isang subdibisyon sa Paranaque City, nakitang pumasok ang ride-hailing service car para sunduin ang 32-anyos na dayuhang biktima dakong 4 a.m.

Ayon sa Southern Police District (SPD), pinaikot-ikot muna ng driver ng sasakyan bago tumigil at sumakay ang isa pa nitong kasabwat.

“Pinaikot-ikot siya nitong ating suspek na driver. Tapos mayroon din pong sumakay na isa pang kasabwat nitong ating driver,” sabi ni SPD Public Information Office chief Police Major Hazel Asilo.

Tinutukan umano ng suspek ng patalim ang biktima at kinuha ang cellphone nito at pera na nagkakahalaga ng P35,000.00.

Pero hindi pa nakontento ang suspek na kasabwat at ginahasa pa nito ang biktima.

Pinababa ang biktima sa San Dionisio sa Paranaque City, at nagsumbong sa pulisya.

Sa follow-up operation, naaresto ang driver sa Cabuyao, Laguna noong September 7.

Nakuha sa suspek ang cellphone ng biktima, wig, patalim at isang baril.

“Umako naman po siya sa mga ginawa nila…modus na po ito nitong ating mga suspek. Although ilang beses na nilang nagawa, hindi po sila nahuhuli dahil wala pong nare-report,” ayon kay Asilo.

Sinabi ng driver na ang kasama lang niya ang gumahasa sa biktima, na kinumpirma naman ng Vietnamese.

Patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad ang isa pang suspek na kapitbahay ng driver.--FRJ, GMA Integrated News