Patay na nang matagpuan ng mga awtoridad ang isang Filipino-American nurse na nawawala mula pa noong September 4, 2024 sa Oregon, USA.
Kinumpirma ng Beaverton Police Department sa Oregon ang pagkakadiskubre bangkay ng biktimang si Melissa Jubane, 32-anyos, isang cardiac nurse sa St. Vincent Medical Center.
Hindi pa naglalabas ng detalye ang pulisya kung papaano at saan nakita ang bangkay ni Jubane.
Pero inaresto ng mga awtoridad ang 27-anyos na kapitbahay ni Jubane na si Bryce Jonathan Schubert, na nahaharap sa kasong murder.
Bago ang krimen, pinakasalan ni Jubane sa Hawaii ang kaniyang fiancé na si Bryan noong nakaraang linggo.
Bumalik ang biktima sa kaniyang tinutuluyan matapos ang kasal. Pumasok umano si Jubane sa trabaho noong September 3 at hindi na muling nakita pa.
Ayon sa pamilya ni Jubane, tinatawagan nila ang biktima sa cellphone nito at naka-off na, dahilan para sila mag-alala.
Inilagay ang pangalan ni Jubane sa National Law Enforcement Database bilang "missing person."
Nang puntahan ng Beaverton Police ang apartment ni Jubane noong September 4, nakita ang kaniyang sasakyan pero wala ang kaniyang bag, wallet, at mga susi.
Nakakuha naman ng impormasyon ang mga awtoridad na nag-uugnay sa suspek sa pagkawala ng biktima.
Hindi pa naglalabas ng detalye ang mga awtoridad tungkol sa kaso, at patuloy pa ang imbestigasyon.
"Schubert was arrested this evening and charged with Melissa’s murder. Melissa Jubane’s remains have been recovered. This is an active investigation," ayon sa inilabas na pahayag ng Beaverton Police Department.
"While we acknowledge the significant community interest and concern, we must withhold further details to preserve the integrity of the investigation," dagdag nito.
Nakadetine sa Washington County Jail ang suspek at nakatakdang humarap sa korte sa Lunes.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Beaverton Police Department sa pamilya at mga kaibigan ng biktima.
“We extend our heartfelt gratitude to the community members who have assisted with the search for Melissa. Our deepest condolences go out to Melissa’s family, friends, and coworkers," ayon sa pulisya. —mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News