Sugatan ang tatlong katao matapos magkarambola ang walong sasakyan sa Mindanao Avenue sa Quezon City pasado alas otso nitong Lunes ng gabi.

Sangkot sa karambola ang isang 14-wheeler truck, van, oil tanker truck, armored vehicle, dalawang Elf truck at dalawang AUV.

Nayupi ang harapang bahagi, nabasag ang windshield at sumampa sa center island ang 14-wheeler truck.

 

Nawalan umano ng preno ang isang 14-wheeler kaya nagkarambola ang walong sasakyan sa Mindanao Avenue, Quezon City. James Agustin/GMA Integrated News

 

Una nitong nabangga ang isang van bago tinumbok ang oil tanker truck.

Nasalpok din sa karambola ang isang armored vehicle, dalawang Elf truck at dalawang AUV.

Tumakas ang driver ng 14-wheeler at kanyang pahinante.

Ang isa pang pahinante ay nakaligtas matapos tumalon mula sa truck.

“Tinanggal ko po 'yung lock nu'ng pinto ko saka po ako sumabit doon sa sabitan. Ang nangyari po naigilid niya pakaliwa kaya po humampas 'yung pinaka pinto doon sa may Hi-Ace. Nu'ng humampas po sa Hi-Ace naramdaman ko po. Ang ginawa ko po pumikit na lang po ako saka po ako bumitaw saka noon po nagdire-diretso doon sa tanker,” ani pahinante ng truck na nagtamo ng mga sugat sa tuhod, kamay at braso.

Galing ang 14-wheeler sa Bulacan at i-de-deliver ang mga kargang feeds sa Cavite nang mangyari ang aksidente.

Pagdating umano sa Mindanao Avenue, nawalan ng preno ang truck.

“Nung nag-stop po 'yung mga sasakyan siyempre po nagpreno na driver ko. May tumunog po sa truck namin. Doon po siya sumigaw na wala pong preno, pumislit na raw po,” dagdag ng pahinante.

Nasa kustodiya ng Quezon City Police District Traffic Sector 6 ang pahinante ng 14-wheeler habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. —KG, GMA Integrated News