Patay ang isang ginang sa Oslob, Cebu matapos siyang pagtatagain ng kaniyang mister. Naaresto ang suspek at sinabing napundi na siya sa pagsisigaw sa kaniya ng biktima.

Sa ulat ni Fe Marie Dumabog sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen sa bahay sa Barangay Calumpang, noong madaling-araw ng September 7, 2024.

Nagtamo ng mga saksak at taga sa katawan ang 72-anyos na ginang. Ang mga anak nito ang nakadiskubre sa duguang bangkay ng kanilang ina.

Ayon sa pulisya, tumakas matapos ang krimen ang 73-anyos na suspek. Pero naaresto siya sa Mandaue City noong umaga ng September 8.

Idinahilan ng suspek na napuno na siya sa kabubunga ng kaniyang asawa kaya hindi rin siya makatulog.

"Nabungol na kos iyang mga yawyaw," saad ng suspek.

Sinabi sa pulisya ng isang anak ng mag-asawa, na hinikayat nila ang kanilang mga magulang na maghiwalay na lang para maiwasan ang kanilang pag-aaway.

Pero nagpasya umano ang kanilang ina na matulog sa bahay ng kanilang ama, na desidido nilang sampahan ng kasong parricide.--FRJ, GMA Integrated News