Sa isang recorded video interview, sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi siya "bratinella" o “spoiled brat,” at kailanman ay hindi niya rin inabuso ang kapangyarihan sa mga hinawakan niyang posisyon.
Ginawa ni Duterte ang pahayag kasunod nang pag-iwas niyang sagutin ang mga tanong ng ilang kongresista na humihimay sa panukalang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon sa pangalawang pangulo, nais niyang maunawaan ng mga tao kung bakit hindi niya sinasagot ang tanong ng ilang mambabatas kahit pa may karapatan ang mga ito na suriin ang mga panukalang pondo ng mga ahensiya ng gobyerno.
“Sanay ako na sumagot sa mga tanong sa mga bagay-bagay. Kaya nga nagbibigay ako ng interview kahit hindi siya arranged na interview, mga ambush interview ng media kung saan nakukuha nila yung mga katanungan ng taumbayan. Sanay ako sa ganyan,” pahayag niya.
“At alam ng taumbayan na hindi ako ‘bratinella’ o spoiled brat dahil kilala nila ako simula noong ako ay nasa Davao pa, simula ng ako ay mayor pa hanggang naging Vice President ako. Kilala ako ng taumbayan na hindi ko inaabuso ang aking power and ang aking authority sa lahat ng mga opisina na nahawakan ko. Testigo ko ang buong bayan na hindi ako isang spoiled brat,” giit niya.
Ayon kay Duterte, iniisip umano ng ibang mambabatas na “bratinella” siya dahil hindi nila gusto ang kaniyang paraan ng pagsagot.
Idinagdag niya na ginagamit ng ilang kongresista ang proposed P2.037 billion budget ng OVP sa 2025 para atakihin siya dahil hindi na sila magkaalyado sa pulitika.
“Sa palagay ko, hindi lang sanay ang iilan na mga miyembro ng House of Representatives na hindi nila makuha ‘yung gusto nila at gusto nilang marinig na sagot. At hindi sanay ‘yung mga iilan na mga representatives natin na sinasagot sila sa kanilang mga patutsada. Kaya sa tingin ko, isa din itong parang atake din nila na parang: 'Oh, bratinella ‘yan,' kahit na sumagot naman ako. Hindi nga lang sa gusto nila,” paliwanag ni Duterte.
Ayon pa sa pangalawang pangulo, maaaring makita ng publiko ang budget proposal para sa OVP sa kanilang website at social media pages.
Ginawa umano ang naturang panayam kay Duterte noong September 4 sa Manila.
Matatandaan na ipinagpaliban ng House committee on appropriations ang pagtalakay sa 2025 budget ng OVP para sa 2025 dahil sa pagtanggi ni Duterte na sagutin ang ilang katanungan ng mga kongresista gaya ng paggamit niya sa 2023 budget sa confidential funds, at P10 milyon alokasyon para sa libro na "Isang Kaibigan," na siya ang may-akda.
Iginiit noon ni Duterte na wala nang confidential funds sa kaniyang 2025 budget kaya hindi na ito dapat talakayin pa. Ngunit depensa ng ilang mambabatas, mahalaga na malaman kung papaano ginagamit ni Duterte ang pondo ng kaniyang ahensiya kahit sa nagdaang mga taon. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News