Tumawid ang karakter ni Vaness del Moral na si Hillary Suarez mula sa dating series na "Widows' Web," patungo sa kasalukuyang Kapuso primetime series na "Widows' War!"

Sa episode ng naturang mystery drama series nitong Lunes, ipinakita ang karakter ni Vaness na si Hillary na napanood noon sa 2022 series na "Widow's Web.

Sa naturang episode, kinausap ni Hillary si Aurora Palacios (Jean Garcia), at tinanong kung nais nitong makita ang mga larawan ng kaniyang apo sa kaniyang telepono.

Pero tumanggi si Aurora at sinabing may dahilan kaya niya ibinigay sa kaniya ang bata.

"I'm taking good care of her, tinuturing ko siya na parang sariling anak," ayon kay Hillary, sabay sabing... "So is the other one."

Ayon pa kay Hillary, alam niya na kambal ang apo ni Aurora na isang lalaki at babae. Ang babae ang nasa kaniya, at hindi niya alam kung saan napunta ang lalaki.

Dito na tumigil si Aurora sa pakikipag-usap kay Hillary.

Sa ngayon, ang tanging alam ng mga sumusubaybay sa serye na ang magiging apo ni Aurora sa sanggol na dinadala ni Sam Castillo (Bea Alonzo), mula kay Paco Palacios (Rafael Rosell).

Hindi ito ang unang pagkakataon na tumawid ang karakter ni Hillary sa mystery series na obra ni RJ Nuevas.

Nakita rin noon sa 2023 series na "Royal Blood" si Hillary na pinagbibidahan noon ni Dingdong Dantes.

Patuloy pa rin ang pag-iisip kung sino ang killer sa "Widows' War" na posibleng may panibagong biktima.
Napapanood ang "Widows' War" sa GMA Prime sa ganap na 8:50 p.m. pagkatapos ng "Pulang Araw." —FRJ, GMA Integrated News