Itinumba ng baha ang mga pader at storage area ng isang library sa New York, USA na may nakatagong mahahalaga at makasaysayang mga dokumento. Ang halaga ng pinsala, aabot sa $10 milyon o katumbas ng P560 milyon.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, nahuli-cam sa CCTV cameras sa loob ng library ng Smithtown Building kung papaano giniba ng rumaragasang tubig ang pader ng gusali.
Ang baha na dulot ng malakas na bagyo ay kumalat sa iba pang bahagi ng unang palapag ng silid-aklatan.
Inanod ang mga computer at iba pang mga muwebles at mga gamit.
Ayon sa mga awtoridad, umabot sa 10 ft ang taas ang baha sa library kung saan nakatago ang ilang mahahalagang historical documents.
Kabilang dito ang mga papeles na pirmado ni Thomas Jefferson, na ikatlong pangulo ng Amerika.
Nabasa at nasira rin ang libu-libong libro, na ayon sa mga awtoridad, aabot ang pinsala sa $10 milyon o katumbas ng P560 milyon.
Nagpunta sa lugar ang mga espesyalista para maisalba ang mga artifacts sa tulong ng freezing at restoration process. Pero posible raw na abutin ng ilang taon ang full restoration process.
Dahil din sa insidente, sarado muna ang library habang isinasagawa ang pagsasaayos rito.--FRJ, GMA Integrated News