Inilabas sa publiko ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino nitong Lunes ang listahan ng mga punong barangay at kagawad na umano'y sangkot sa droga.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Aquino na umabot sa 207 ang mga opisyal ng barangay ang naberipika ng apat na ahensiya, kabilang ang Philippine National Police (PNP).

Inihahanda na umano ng PDEA ang kasong isasampa sa 207 opisyal na kinabibilangan ng 90 punong barangay at 117 barangay kagawan mula sa Bicol region, Cordillera Administrative Region at Autonomous Region in Muslim Mindanao, at Metro Manila.

Kasama rin sa pulong balitaan sina Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, House Committee on  Committee on Dangerous Drugs; Interior and Local Government Secretary  Eduardo Año at Dangerous Drug Board Chariman Catalino Cuy

Sinabi ni Aquino na isa umano sa mga opisyal ng barangay ang pinaghihinalaang drug lord, habang ang iba ay gumagamit o nagtutulakor ng droga.

Sinabi ni Aquino na 293 ang unang nakalagay sa listahan na nabasawan sa 207 dahil mayroon nang napatay o naaresto.

Idinagdag ni Aquino na mayroon din listahan na nagsasaad na 93 alkalde at gobernador ang sangkot sa illegal drug trade.

Nilinaw naman ni Aquino na hindi gagamitin ng mga awtoridad ang listahan para tugusin ang mga naturang opisyal ng barangay.

"There's no truth that this will serve as a hit list," ani Aquino. "We want to be legitimate in our operations, we want our operations to be transparent."

Samantala, sinabi ni Surigao del Norte Rep. Robert Barbers, pinuno ng House Committee on  Committee on Dangerous Drugs, na ipadadala nila sa PDEA at Department of Interior and Local Government ang isang mungkahit kasunduan sa mga kandidatong barangay officials na pumapayag silang isumite ang kaniyang sarili sa drug test.

Bukod dito, nakapaloob sin sa pangako na hindi tatanggap ng pera ang isang barangay official mula sa isang drug lord sa barangay niya, at sisiguraduhin nitong wala o aalisin ang droga sa kaniyang nasasakupan.-- FRJ, GMA News