Putol ang dalawang daliri ng isang magsasaka matapos sumabog ang five-star na dumikit sa kaniyang kamay dahil sa malagkit na suman na kaniyang kinain sa Lake Sebu, South Cotabato.
Sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing sinindihan ng 48-anyos na si Romeo Lumbay ang natirang paputok mula sa kanilang pagsalubong noong Bagong Taon.
Pero dahil kakakain niya lang ng suman, dumikit ang nasabing paputok sa kaniyang kamay at doon na siya nasabugan.
Kasalukuyang nagpapagaling ang biktima sa South Cotabato Provincial Hospital.
Ikalawang biktima ng paputok si Lumbay sa South Cotabato na naputulan ng daliri.
Nitong Pasko, isa ring biktima na nakatira sa bayan ng Banga ang naputulan ng daliri matapos masabugan ng paputok. —Jamil Santos/NB, GMA News