Tatlo ang nasawi nang magkabanggaan ang dalawang motorsiklo sa Sara, Iloilo. Kasama sa mga nasawi ang dalawang rider.

Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya noong hapon ng bagong taon sa Barangay Padios.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Norberto Diolata ang isang motorsiklo na may dalawang angkas na sina Cherry Grace Jovillo at Jet Mark Paigaran.

Patungo umano ang tatlo sa munisipalidad ng Concepcion nang makasalpukan nila ang nakasalubong na motorsiklo na minamaneho naman ni Eugene Valderama, na patungo sa bayan ng Sara.

Ayon kay Police Corporal Joven Bajon, imbestigador ng  Sara Municipal Police Station, mabilis ang takbo ng isang motorsiklo hanggang sa magpagewang-gewang at nakabanggaan ang nakasalubong na motorsiklo.

Nasawi sa naturang insidente ang mga rider na sina Diolata at Valderama, habang isinugod naman sa ospital sina Jovillo at Paigaran.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes, sinabi ni Bajon na pumanaw na rin si Jovillo dahil sa mga sugat na tinamo nito.

"Si Cherry Grace nag-expire siya kagabi mga alas-otso-siete," ani Bajon.

Muling nagpaalala si Bajon sa mga rider na laging maging maingat at magsuot ng protective gear gaya ng crash helmet.

“Isa lang naman ang buhay natin. Dapat pag-ingatan dahil may mga kaanak tayong naghihintay sa ating mga tahanan,” payo ni Bajon. --FRJ, GMA Integrated News