Binalikan ni Roderick Paulate ang payo na kaniyang natanggap mula sa namayapang King of Comedy na si Dolphy, na gusto niya rin sanang ibahagi kay Vice Ganda at sa iba pang mga komedyante ngayon.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, nagbalik-tanaw si Tito Boy sa sinabi ng King of Comedy kay Roderick noon na, "huwag iiwan ang comedy... Kokonti lang ang komedyante."
"Sa set 'yan ng 'John En Marsha sa Probinsya,'" pagsisimula ni Roderick. "Doon 'yung scene na lalaki ako eh, 'Shirley!' lalaking pumapasok tapos 'yun pala habang [sinusuyo] ko si Shirley, 'Saan ba ang kapatid mo? Nasaan ba si Rolly?' 'Yun pala ang inaatake ko, 'yun pala ang gusto kong puntahan, si Rolly," kuwento ni Roderick.
Noong panahon na iyon, parehong gumaganap si Roderick sa mga comedy at drama. Katunayan, nagwagi pa nga siya ng kaniyang kauna-unahang award para sa drama.
"Pero siya [Dolphy] ang nagsabi, 'Tawang-tawa kami sa'yo iho. 'Lika dito anak. Nakasandal pa kami noon sa may kotse roon sa set na 'yun eh... Sabi niya sa akin 'Dick, ayaw mo mag-comedy? Mag-comedy ka na lang,'" pag-alala ni Roderick sa sinabi sa kaniya ni Dolphy.
"Sabi ko, 'Nagko-comedy naman po ako.' 'Yung comedy ituloy-tuloy mo na. 'Yung diretso na, huwag ka nang magdrama.' Kasi kulang na eh, kulang na tayo sa comedy," pagpapatuloy ni Roderick.
"Gustong-gusto niya na ituloy ko 'yung comedy. Binanggit niya na nababawasan na, tumatanda na rin, so kailangan may mga bago na," patuloy ng aktor.
Ayon kay Roderick, gusto niya ring ipayo kay Vice, ang payong natanggap niya kay Dolphy na huwag iwan ang comedy.
"Ang namamayagpag naman si Vice, so siguro isa siya roon. Kaya lang ang gusto ko lang naman mangyari sa kaniya, nagsi-shift na siya eh, kumbaga ang ginagawa na niya, dalawa," sabi ni Roderick.
Naging patok si Roderick sa mga pelikulang comedy gaya ng "Mga Anak ni Facifica Falayfay," "Gorio and Tekla," "Petrang Kabayo," at nakilala bilang isa sa mga magagaling na komedyante sa bansa.
Makakasama si Roderick sa cast ng "Mga Batang Riles," na pangungunahan ni Miguel Tanfelix, na mapanonood na sa GMA Prime simula sa Enero 6. -- FRJ, GMA Integrated News