Sa harap ng tinatamasang tagumpay, kasama sa mga pinapasalamatan ni MMFF 2024 Best Supporting Actor Ruru Madrid ang nobya niyang si Bianca Umali. Dito, inihayag ng aktor na handa na siyang lumagay sa tahimik kasama ang aktres.
Sa panayam ni Nelson Canlas na ipinalabas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Ruru na malaking bagay si Bianca kaya niya narating ang kinalalagyan niya ngayon.
"Sabi ko nga hindi ko po mararating 'tong kung nasaan po ako, hindi ko makukuha 'tong mga 'to kung hindi ko po nakilala si Bianca," ayon kay Ruru, na bumida sa MMFF movie na "Green Bones," kasama si Dennis Trillo.
"Sobrang mahal ko 'yung taong 'yon. Parang 'yung sabi ko nga, ang pinakamagandang regalo na natanggap ko sa buong buhay ko, 'yon na 'yung dumating si Bianca sa buhay ko. Hindi ko ma-explain kung gaano ko siya pinahahalagahan at kung gaano siya ka-importante sa 'kin," sabi pa ng aktor.
Nang tanungin si Ruru kung nakikita niya ang sarili na lalagay na sa tahimik sa malapit na hinaharap, ayon sa aktor: "Yeah. Kung ako masusunod, kung puwedeng ngayon na, 'di ba?"
Sabi pa niya, "Bakit mo pa patatagalin ang isang bagay kung nahanap mo na eh 'di ba? And alam ko sa sarili ko na hindi na ako makakahanap ng tulad ni Bianca."
Sa idinaos na MMFF 2024 Gabi ng Parangal, makikita si Bianca na umiiyak sa tuwa nang tanggapin ni Ruru ang award bilang Best Supporting Actor.
Sa kaniyang talumpati, inihayag ni Ruru na malaking inspirasyon sa kaniya si Bianca, at hindi siya magtatagumpay kung walang ang kaniyang nobya.
Bukod kay Ruru, nanalo rin sa MMFF 2024 si Dennis bilang Best Actor, at itinanghal na Best Picture ang "Green Bones."
BASAHIN: Dennis, Ruru, at Sienna, wagi sa MMFF 2024 Gabi ng Parangal para sa 'Green Bones'
Sunod na mapapanood si Ruru sa nagbabalik na Kapuso series na "Lolong: Season 2."— FRJ, GMA Integrated News