Nabundol at nakaladkad pa ng ilang metro ng tricycle ang isang babae na naglalakad sa gitna ng kalsada sa San Carlos City, Pangasinan.
Sa ulat ni Jeric Pasilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing 37-anyos ang biktima na residente ng Lingayen, Pangasinan.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na maluwag ang kalsada dakong 10:00 pm noong Enero 1 sa Barangay Bolingit, nang makita ang biktima na naglalakad sa gitna ng kalye.
Ayon kay barangay chairman Jherwin Lumanlan, mag-asawa umano ang sakay ng motorsiklo.
Tinangka raw nilang iwasan ang babae pero ito raw umano ang sumalubong.
Ayon sa isang kaanak ng biktima, umalis ito sa Lingayen noong hapon ng Enero 1 pero hindi na nakabalik.
Nahaharap naman sa kaukulang kaso ang driver ng tricycle driver.-- FRJ, GMA Integrated News