May bagong suspek ang pulisya sa nangyaring pananaksak at pagpatay sa isang babae sa loob ng isang modern jeepney noong nakaraang linggo sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sa ulat ni Louanne Mae Rondina ng GMA Regional TV sa GMA News Saksi nitong Huwebes, sinabing pinalaya na ng mga awtoridad ang dating mister ng biktima na unang dinakip at naging suspek sa nangyaring krimen.

Ayon sa pulisya, dinakip ang dating mister ng biktima batay na rin sa salaysay ng driver ng jeepney.

Ngunit pinalaya na ang dating mister nang makita sa cellphone ng biktima na ang dating nobyo na nito ang nagbabanta sa kaniyang buhay.

May pagkakahawig din umano ang dating nobyo at dating mister ng biktima kaya nalito ang driver.

"Ibang tao since parang iba on the spot. Asawa kasi ang sinabi ng babae na huwag pasakayin ang kaniyang asawa," ayon kay Police Captain Edcel Petecio, chief of Lapu-Lapu City Police Office Public Information Office.

Nakahanda naman ang pulisya na harapin kung sakaling sampahan sila ng kaso ng dating mister ng biktima dahil sa ginawang pagdetine sa kaniya.

Nauna nang iniulat na 12 taon nang hiwalay ang biktima sa kaniyang mister.

“In case na magreklamo ang ating suspek, 'yung na-detain, willing ang ating personnel na harapin ang kaso kung magreklamo. Open tayo for investigation kung bakit ganun ang sitwasyon," dagdag ng opisyal.

Hindi na nagbigay ng bagong pahayag ang dating mister pero nauna na niyang itinanggi na sangkot siya sa pagkamatay ng biktima.

Bukod sa babae, isang pasahero rin ng jeep ang nasawi matapos na atakihin sa puso.

Inihahanda ng mga awtoridad ang kasong isasampa sa bagong suspek na dating nobyo ng biktima. -- FRJ, GMA Integrated News