Nagpahayag ng suporta sina Jean Garcia at Rita Daniela kay Barbie Forteza matapos ianunsyo ng huli na hiwalay na sila ng nobyong si Jak Roberto.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing naging malapit sa isa't isa sina Jean at Barbie nang maging magkatrabaho sila sa TV series na “The Half Sisters.”
“Basta ako, anytime na kailangan lang ako ni Barbie, kailangan niya ng kausap, kailangan niyang mag-vent-out, kailangan niya ang suporta ko, at kailangan niya ng taong makikinig sa kaniya at gusto niya ng shoulder to cry on, andito lang [ako.] Alam naman ni Barbie 'yon,” saad ni Jean.
Ganito rin ang pahayag ni Rita na naniniwalang pinaghandaan at pinag-isipan ni Barbie ang desisyon nito.
“Alam n'yo po, kaya rin kami naging magkaibigan ni Barang, kasi masasabi kong parehas kami ng... siguro 'yung energy when it comes to people and I guess on also deciding, making decisions. Kaya kung ano man [‘yung] pinagdadaanan ngayon ni Barang, alam kong napag-isipan na niya nang mabuti 'yan at napaghandaan niya na 'yan,” ayon kay Rita.
“At, Diyos ko, Tito Lhar, napakatapang ng babae na 'yan. Siyempre kailangan niya ng pagmamahal namin at yakap namin, pero alam kong kayang-kaya niya,” dagdag ng aktres.
Nitong Huwebes nang ihayag ni Barbie na hiwalay na sila ni Jak matapos ang pitong taon nilang relasyon.
Samantala, nananatiling tahimik naman si Jak at wala pang pahayag na inilalabas.
BASAHIN: Boy Abunda, humanga kay Barbie sa paraan ng pag-anunsyo sa hiwalayan nila ni Jak
Nitong Biyernes, nagpahayag naman ng paghanga ang TV host na si Boy Abunda sa paraan ng pag-anunsyo ni Barbie ng break-up nila ni Jak na puno pa rin ng pagmamahal at walang hinanakit. — FRJ, GMA Integrated News