Matapos magpatikim ng rollback sa unang linggo ng 2025, asahan naman ng mga motorista ang price hike sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Batay sa galaw ng kalakalan ng petroleum products sa world market sa nakalipas na apat na araw, tinatayang P0.40 hanggang P0.70 per liter ang itataas sa presyo ng gasolina.

Samantala, P0.75 hanggang P1.00 per liter ang posibleng madagdag sa presyo ng diesel, at P0.70 hanggang P0.80 per liter sa kerosene.

Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, kabilang sa mga dahilan ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang pagpapalawig ng production cuts na 2.2 million barrels per day ng OPEC+ hanggang sa April 2025.

Pati na ang mataas ng demand ng US at Europe para sa heating fuels ngayong Enero dahil sa posibleng matinding lamig na mararanasan sa kanila.

Kasama rin sa mga dahilan ang geopolitical risks at trade tensions.

“Final adjustments will be determined after today’s trading,” ayon pa kay Romero.

Tuwing Lunes inaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang opisyal na price adjustments at ipatutupad sa susunod na araw ng Martes.

Nitong nakaraang Martes, December 31, 2024, natapyasan ng P0.30 per liter ang presyo ng gasolina at diesel, habang P0.90 per liter naman ang nabawas sa kerosene.

Noong 2024, P12.75 per liter ang kabuuang nadagdag sa presyo ng gasolina, habang P11.00 per liter naman sa diesel.

Nagkaroon naman ng bawas sa presyo ng kerosene na umabot sa P2.70 per liter.—mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News