Climate Change, laging itong binabanggit. Subalit naiintindihan ba ito ng marami sa atin? Ano nga ba ang koneksyon ng klima sa ating kasaysayan at kultura? Ano ang magiging epekto ng climate change sa ating lahat?

Isang talakayan ang isasagawa ng PROYEKTO at ng Gateway Gallery sa pakikipagtukungan ng Climate Reality Project Philippines at ng DAKILA, ang "Proyekto Live: Klima at Kasaysayan," tungkol sa napakahalagang usapin na ito.

Isang malaking hamon ang pagtuturo at pagsasalaysay ng Climate Change sa ordinaryong mga Pilipino at mga estudyante.  Ang mga batayang katotohanan ukol sa Climate Change ay ipapaliwanag ni Propesor Michael Charleston "Xiao" Chua ng DLSU Maynila, na isa sa mga nagsanay noong isang taon sa Climate Reality Leadership Corps Training sa ilalim ni Former US Vice President Al Gore.

Matapos ang maraming ulit na pagtanggi na pirmahan ang Paris Agreement, pinirmahan din kamakailan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kasunduan para sa ating bansa. 

Tatalakayin ni Ayeen Karunungan ng DAKILA & Climate Tracker, ang papel ng mga Pilipino sa tinatawag na Paris Agreement, at ano ang kahalagahan ng pagsuporta ng ating bansa rito. 

Ang malaking hamon na hinaharap ng ilang mga kultura at mga pamanang pangkasaysayan na maaaring mawala o masira dahil sa malaking epekto ng pagbabago ng klima ang paksa ng Heritage Advocate na si Propesor John Ray Ramos ng PROYEKTO at ng FEU Diliman.

Bilang reaksyon, ang country director ng Climate Reality Project Philippines na si Rodne Rodiño Galicha, ay magbibigay ng presentasyon tungkol sa "karbon" at kung paano tayo makatutulong sa pagbawas ng emisyon nito, ang epekto at ang pagpapalaganap ng kamalayan ukol dito. 

Gaganapin ang talakayan sa 1 July 2017, 1:00PM - 5:00PM sa Gateway Gallery, 5th flr, Gateway Tower, Araneta Center, Quezon City.  Para sa dagdag na impormasyon para sa mga mag-aaral at mga guro, mag-text sa Proyekto sa 09202228889.-- FRJ/KVD, GMA News