Pinayuhan ni Direk Rory Quintos si Ion Perez na seryosohin ang acting matapos na makita na may ibubuga ito sa drama dahil sa "kargadong" mga mata matapos ang performance sa "Magpasikat" segment ng  “‘It’s Showtime” nitong Miyekules.

Kasama ni Ion sa team VIDA na nagtanghal sa naturang segment sina Vhong Navarro, Darren Espanto at Amy Perez.

BASAHIN: Raul Dillo, nakapagtanghal muli sa telebisyon sa 'Magpasikat 2024' ng 'It's Showtime'

Kabilang ang batikang direktor na si Quintos sa mga hurado na pinuri ang mahusay na pagtatanghal ng grupo.

"You should explore acting seriously," saad ni Quintos kay Ion. "Kini-close-up ka kasi dito. So kini-close-up ang mga mata mo, kargadong-kargado. Sabi ko, 'Ah, meron [ibubuga sa acting]."

Ayon kay Quintos, kung gagawa siya ng comeback project, isasama niya sa cast si Ion.

Very proud naman si Vice Ganda sa kaniyang partner na si Ion, na bukod sa umarte ay umakyat din sa gumagalaw na tungtungan nang walang harness bilang bahagi ng pagtatanghal.

“Hindi naman talaga siya performer eh, pero binibigay niya ‘yung makakayanan niya para makapag-contribute sa grupong ito,” sabi ni Vice .

“Lahat ng kaya mo, ibibigay at naiibigay mo, nakikita namin ‘yon na nagmamahal sa’yo. Sapat ‘yon. Na-a-appreciate namin at ikinamamahal namin sa’yo lalo,” dagdag pa ni Vice.

Labis din na ikinatuwa rin ni Vice ang mga papuri na nadinig niya mula kay Direk Quintos.

Mensahe ng pagtatanghal ng team VIDA ang paggawa ng mabuti habang nabubuhay pa at tungkol sa pamilya.--FRJ, GMA Integrated News