Isa nang bangkay nang matagpuan ang isang bagong silang na sanggol sa labas ng CR ng isang bus terminal sa Cubao, Quezon City.
Sa ulat ni GMA Integrated News reporter Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing namataan ng mga awtoridad ang sanggol na nakakabit pa ang pusod at may kasama pang inunan.
"'Yung bata po, inilagay sa tabi ng drum ng tubig. Doon po nakita ng porter at vendor ng prutas. Malaki na po eh. Mukhang bagong panganak. Iniwanan lang po kaso wala nang buhay," sabi ni Johnny Manfoste, company liaison officer ng bus terminal.
Nang suriin ang CCTV, namataan ng pamunuan ng bus terminal ang isang lalaki at isang babae na nagmula sa may CR, kung saan hawak ng babae ang sanggol na ibinalot sa puting T-shirt.
Ayon kay Captain Marciano Agua Jr. ng Barangay E. Rodriguez, napag-alaman nilang magnobyo na pauwi ng Gapan ang nagtapon sa sanggol.
"Nakita ko 'yung logo ng T-shirt, tumutugma roon sa pinampandong ng lalaki sa ulo niya. 'Yung T-shirt na ginamit na pambalot ang ginamit pampandong sa ulo ng lalaki," sabi ni Manfoste.
Namataan din sa CCTV ang bus na kanilang sinakyan mula sa Gapan, Nueva Ecija.
"Tumawag po ako ngayon sa driver-konduktor namin. Sabi ng driver sa akin nang na-contact namin, 'Sir, positive. Nandito pa, Nakasakay pa sa bus.' So ang nangyari po, tumawag po sa akin 'yung driver, nandoon na po sa police station sa Penaranda 'yung dalawa," sabi ni Manfoste.
Nakikipag-ugnayan na ang kapulisan ng Quezon City sa Nueva Ecija Police para sa imbestigasyon. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News