Ipinaliwanag ni Ogie Alcasid kung bakit hindi sapat ang pagmamahal para sa dalawang tao na nasa relasyon.

"Is love enough in a relationship?" tanong ni Tito Boy kay Ogie sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes.

"No. It's not," tugon ng Filipino singer-songwriter.

"Isipin mo Kuya Boy, dalawang tao magkaiba, lalaki at babae, magkaiba ng ugali at lahat. Sa simula, maganda iyong pundasyon ng pagmamahal," sabi niya.

"Pero para magtagal, kung walang respeto sa isa't isa at pananampalataya para sa isa't isa, hindi siya magtatagal," dagdag ni Ogie.

Inilahad din ni Ogie kung paano nila pinananatili ng asawang si Regine Velasquez ang kanilang relasyon.

"Kailangan intentional. Sa mga pagkakataon na may away kayo, 'Pipiliin ko ikaw. Ayokong sumama ang loob mo. Pipiliin ko ikaw.'"

"'Your emotions, your well-being, ikaw ang pipiliin ko. Sa mga pagkakataon na kailangan kitang alagaan, ikaw ang pipiliin ko,'" dagdag ni Ogie.

Idiniin ni Ogie ang pagpaparaya at pagpapalipas ng mga munting tampuhan.

"At saka 'yung mga away-away, kailangan bang lagi kang panalo? Kailangan ba talaga 'yon? Magparaya ka na o 'di kaya, 'Hindi na mahalaga ito. Lilipas ang araw na ito na pagtatawanan atin itong munting tampuhan na ito.'"

Ikinasal sina Ogie at Regine noong 2010. May isa silang anak na si Nate. — BAP, GMA Integrated News