Nag-viral sa social media kamakailan ang mga litrato at video ng mga buto ng "misteryosong" nilalang o hayop na nakuha mula sa kisame ng isang ancestral house sa Talisay City, Cebu. Ayon sa may-ari ng bahay, may gustong bumili sa mga buto na "milyon" ang alok na ibabayad.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed mula sa GMA Regional TV News, inilarawan ng ilang residente na nakakita sa mga buto na tila maliit na kangaroo ang misteryosong mga buto.

Ang iba naman, hinihinala na buto ng "sigbin" ang nakuha sa kisame.

Ang sigbin ay isang nilalang sa mitolohiya na humihigop ng dugo na ilang beses na ring pinaghihinalaang nasa likod ng mga pag-atake sa mga alagang hayop--gaya ng mga manok at kambing-- na nakikitang patay sa ilang lalawigan.

Ayon kay Ray Cervantes, ipinapaayos niya noon ang kanilang ancestral house na itinayo noong 1930's.

Nang baklasin ng trabahador ang kisame, doon na nakita ang mga buto ng hindi mawaring nilalang.

Ayon kay Ray, kumuha siya ng karton para ilagay ang mga nakitang buto, at kinalaunan ay binuo.

Sinabi ni Ray, na may bone collector daw na tumawag sa kaniya para bilhin ang mga buto. Pero hindi siya pumayag matapos umano siyang pigilan ng dalawa niyang kamag-anak sa panaginip.

"Milyon ang offer," ayon kay Ray. "Ahente raw siya sa Germany ng bone collector."  

Nakita ng Talisay City Veterinarian ang mga larawan at video ng mga buto ng misteryosong nilalang. At batay sa kanilang pag-analisa at pagkumpara sa ibang buto ng mga hayop, hinihinala nila na buto o kalansay ng pusa ang nakita sa kisame.

"Mukhang pusa siya. Ang skeletal structure ng pusa, makikita rin pareho siya sa [nakita sa kisame]. Ang pinagkaiba lang nawala iyong mga paa sa harap.  Posibleng natanggal siya," paliwanag ni Dra. Ma. Christine Hope Dejadena, Talisay City Veterinarian.

Wala pang reaksyon si Ray sa naging pahayag ng city veterinarian na buto ng pusa ang nakita sa kisame ng kanilang bahay.--FRJ, GMA Integrated News