Hindi nakalimutan ni Joross Gamboa na batiin ang kaniyang kaibigan na si Sandara Park na nagdiwang ng ika-40 taong kaarawan nitong Martes.

Sa Instagram, nag-post ang “Hello, Love, Again” actor na si Joross ng ilang luma at bago nilang larawan ni Sandara.

Makikita sa mga larawan na kasama si Sandara sa kasal ni Joross at misis nitong si Katz, hanggang sa magkaroon na ng mga anak ang mag-asawa.

“Happy 20th birthday to our BFF sister na di tumatanda at di tumataba!” saad ni Joross sa caption niya sa post na kalahati ng tunay na edad ng kaibigan.

“Etong first pix ang favorite pix ko ni [Dara] siya lang nakakaalam bakit. We are always here for you! Kitakits this weekend. God bless!,” dagdag pa ng aktor.

Nabuo ang pagiging magkaibigan nina Sandara at Joross nang magkasama sila sa isang reality competition show noong 2004.

Habang patuloy sa kaniyang acting career si Joross, nalinya naman si Sandara sa pag-awit at naging miyembro ng K-pop group na 2NE1.

Nakatakdang magkaroon ng reunion concert ang 2NE1 na “Welcome Back” sa SM Mall of Asia Arena sa November 16 at 17.

Mapapanood naman muli si Joross bilang si Jhim sa “Hello, Love, Again,” na sequel ng 2019 blockbuster movie na “Hello, Love, Goodbye,” na pinagbibidahan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo, bilang sina Ethan at Joy.

Palabas na sa mga sinehan ngayong Miyerkules ang "Hello, Love, Again.” —FRJ, GMA Integrated News