Ibinahagi ni Bianca Manalo sa programang "Lutong Bahay" kung papaano sila nagkakilala ng kaniyang nobyong si Sherwin Gatchalian, at kung gaano katagal naghintay ang senador bago niya sinagot.
Sa naturang episode ng "Lutong Bahay," binisita ng hosts na sina Mikee Quintos at Kuya Dudut, sina Bianca at kapatid nitong si Kate Manalo, na nagpamalas ng kaniyang galing sa pagluluto na may sangkap na hipon.
Ayon sa beauty queen-turned-actress, una siyang nakita ni Sherwin na mayor pa lang noon sa isa niyang show sa telebisyon.
Naghanap umano ng kakilala si Sherwin kung papaano siya makikilala, at nagkataon na mutual contact nila ang kaniyang manager.
"So, na-meet niya ako, mayor siya nun, so 'di ko siya pinansin. Tapos biglang naging single ako ulit, so congressman na siya nanliligaw siya ulit. Sabi ko, 'Ang kulit naman nito," paglalahad ni Bianca.
Nang pumanaw ang kaniyang ama, sinabi ni Bianca na si Sherwin ang unang nagpadala ng bulaklak at nasa lamay ito gabi-gabi.
"Hanggang sa namatay 'yung daddy ko, siya 'yung first flower. Tapos almost every night ng lamay nandun siya. So, sabi ko, 'Ay ang bait naman,' pero hindi ko pa rin siya sinagot," patuloy ni Bianca.
Pero naging masigasig pa rin umano si Sherwin at nagpupunta sa bahay ng kaniyang magulang para manligaw.
Nang maging single muli siya, sinagot na niya si Sherwin na senador na noon.
"Very persistent and very humble tsaka very gentleman and very mild-mannered. Kung ano 'yung iningay ko, siyang tinahimik niya, so balanced namin dalawa," ayon kay Bianca.
Sa naturang episode, tinanong ni Mikee si Bianca kung nag-away na sila ng senador dahil sa third party.
"Hindi, ever. Kaya ko nga love 'yon kasi nga ang talagang kalaban ko sa kaniya, trabaho. Eh di sana hindi na 'ko artista kung seloso 'yun. Ito kasi 'yung craft ko eh, so he allows me to enjoy whatever I love doing," pahayag ni Bianca.
Ipagdiriwang nina Bianca at Sherwin ang kanilang sixth anniversary ngayong Nobyrembre. — FRJ, GMA Integrated News