Dinakip sa entrapment operation ang isang 37-anyos na lalaki sa Cebu matapos ireklamo ng isang 14-anyos na babae na pinagbantaan umanong ipakakalat ang maselan nitng video kapag hindi pumayag na makipagtalik sa kaniya.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, sinabing humingi ng tulong sa pulisya ng Naga City ang biktima dahil sa banta ng suspek, na isang welder, na mula sa bayan ng San Fernando.
Kaagad na ikinasa ng mga awtoridad ang entrapment operation at naaresto ang suspek sa isang lodge nitong Martes, at nahulihan pa ng baril na may mga bala.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nagkakilala ang dalawa sa social media noong lang November 5, at nagka-video call.
Ini-record umano ng suspek ang maselang video nang hindi alam ng biktima, na ginamit na panakot ng lalaki sa dalagita na ipakakalat kapag hindi nakipagkita sa kaniya upang makatalik.
Sa panayam ng DySS Super Radyo Cebu, itinanggi ng suspek ang alegasyon ng dalagita.
Paliwanag niya, isang “Claire” na nakilala niya sa social media ang nag-alok sa kaniya na makatalik ang biktima kapalit ng halaga.
Matapos umano ang usapan nila ni "Claire,” pumayag siyang makipagkita sa inialok nitong babae nang mangyari ang pagdakip sa kaniya ng awtoridad.
Nahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso kabilang ang paglabag sa Republic Act (RA) 7610 o Child Abuse, paglabag sa Photo and Video Voyeurism Act, at Illegal Possession of Firearms and Ammunition.--FRJ, GMA Integrated News