Bangkay na nang matagpuan sa Tuba, Benguet ang 38-anyos ang nawawalang empleyado ng University of the Philippines (UP-Diliman), na huling nakitang buhay noong nakaraang Hunyo. Ang biktima, pinaniniwalan ng awtoridad na nakaranas ng "very painful death."
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing Hunyo huling nakitang buhay ang biktimang si Irene Melican.
Natagpuan kinalaunan ang kaniyang sasakyan, at ilang gamit gaya ng cell phone at credit card.
Noong Hulyo, inaresto naman ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) ang nobyo ng biktima na lumilitaw na suspek sa pagkawala ni Melican.
Hanggang sa nakita na ang bangkay ni Melican sa Tuba, Benguet na walang saplot at nagtamo ng matinding pinsala sa katawan.
“The conduct was done with the Tuba, Benguet police, the DNA matched doon sa samples, reference materials taken from the parents of victim, Irene Melican. Nagkaroon kami ng closure na ito talaga ang taong hinahanap namin who was earlier kidnapped by her boyfriend,” ayon kay NBI-NCR Regional Director Ferdinand Lavin.
Ayon sa NBI, nakita umano ang suspek at biktima na magkasama sa sasakyan ni Melican noong June, at bumiyahe sa Agoo, La Union bago nagtungo sa Benguet.
Batay sa medico-legal report ng Philippine National Police at re-autopsy ng NBI sa mga labi ng biktima, naging malagim ang kaniyang pagkamatay.
“She died of traumatic blunt injuries to the chest and the neck. Further, NBI was able to establish that she had broken ribs to the left side of the body. She suffered a very painful death,” ani Lavin.
Pinuntahan ng NBI ang bahay ng suspek sa Pateros, at nakita roon ang mga kahon na may ahas at daga, at iba pa nitong mga personal na gamit.
“The NBI will try to establish kung saan eksakto pinatay, at kung sinu-sino ang pumatay, ilang tao ang pumatay. As of now, Director Santiago is still on top of this case,” sabi ni Lavin. -- FRJ, GMA Integrated News