Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasa 44 Pilipino sa abroad ang nahaharap sa parusang kamatayan.

Lumabas ang impormasyon sa pagdinig ng Senado nang isalang sa plenaryo ang panukalang budget ng DMW para sa 2025.

Sa pagtatanong ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, inihayag ni Senator Joel Villanueva na sponsor ng budget ng DMW, na nasa Malaysia ang 41 Pinoy na nasa death row, dalawa ang nasa Brunei at isa ang nasa Saudi Arabia.  

Karamihan umano sa mga kaso ng mga Pinoy ay may kinalaman sa ilegal na droga at pagpatay.

Sa kaso ng isang Pinay na hinatulan ng kamatayan sa Saudi Arabia, sinabi ni Villanueva--batay sa ibinibigay na impormasyon ng DMW-- na isa siyang overseas Filipino worker (OFW) na biktima ng verbal at physical abuse ng kaniyang amo na napatay niya sa saksak.

"She claims it was...self-defense. A petition for reconsideration was submitted through the department's legal retainer," ayon kay Villanueva.

Pitong taon na umanong nakapiit sa KSA ang Pinay at iniaapela ng retainer lawyer ng DMW ang kaniyang kaso.

Idinagdag ni Villanueva na nakikipag-usap ang DMW sa pamilya ng biktima ng OFW upang hikayatin ang mga ito na tanggapin ang blood money.

Ayon pa kay Villanueva, drug mules ang ilan sa mga Pinoy na nasa death row sa Malaysia.

"The [Migrant Workers Office] in Malaysia provided financial assistance to the workers and is regularly monitoring their conditions," pahayag ng senador sa pagdepensa sa budget ng DMW.

Napag-alaman din na on hold ang pagpapatupad ng parusang kamatayan sa dalawang Pilipino na nahatulan sa Brunei dahil sa kasong pagpatay bunga ng de facto moratorium sa death sentence sa mga bansa sa Southeast Asian.

"Both workers are regularly being visited by the department and being monitored by our Migrant Workers Office in Brunei. Their families were also assisted by the department during their compassionate visit to Brunei," dagdag ni Villanueva.— mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News