Nasawi ang isang konsehal at sugatan ang isang punong barangay matapos silang pagbabarilin ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo sa Arayat, Pampanga nitong Martes.
Sa ulat ni Cj Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang nasawing biktima na si Arayat Councilor Federico Hipolito.
Sugatan naman si Batasan Barangay chairman Lito Trinidad.
Sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Telapayang, makikita ang dalawang salarin na sakay sa motorsiklo at pinagbabaril ang mga biktima na naglalakad matapos tumawid sa kalsada matapos bumaba mula sa kanilang sasakyan.
Napag-alaman na papunta ang mga biktima sa isang medical mission nang mangyari ang pamamaril.
"Binuntutan nila. So, nakatigil na ‘yung [puting] sasakyan, nagpauna sila ng konti tapos bumalik," ayon kay Police Colonel Jay Dimaandal, Director of the Pampanga Police Provincial Office (PPO). "Tapos ‘yun pagkababa ng dalawa papunta ng barangay hall, dun na bumaril, hindi na sila [mga suspek] bumaba ng motor diretso uli."
Pahayag naman ng isang kasama ng mga biktima, "May medical mission kami sa Telapayo after nung event namin. Sabay-sabay kaming umalis papunta na ng Telapayong. Noong paalis na kami ng daan, magkakasunod kami, nauna ako. May nakabuntot sa amin na sasakyan at single na motor, ‘yun pala iyon."
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng motibo sa krimen, at pagkakakilanlan ng mga salarin.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang pamilya ng mga biktima.-- FRJ, GMA Integrated News