Inantabayanan noon ang mala-telenovelang pagpapalit ng mga sanggol o baby switching sa isang ospital, na siyang kauna-unahang kaso na naidokumento at natutukan ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" (KMJS) noong 2021. Kumusta na kaya ang mga sanggol ngayon at ang kanilang mga pamilya?
Sa pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng KMJS, binalikan ang kuwento ng mag-asawang sina Aphril at Marvin Sifiata, at Margareth Traballo at Kim Jasper Mulleno, na nagkapalitan ng mga anak nilang sina Ayu at Kairo.
Napansin agad ni Aphril, na unang beses na naging ina, na kakaiba sa bagong silang niyang sanggol. Kaya humingi siya ng tulong sa KMJS upang kumpirmahin kung maling sanggol ang naibigay sa kanila sa ospital.
Ang KMJS ang tumulong na isagawa ang DNA testing noong 2021.
Lumabas sa pagsusuri ng DNA na negatibo, o hindi anak ni Aphril ang naiuwing sanggol na si Baby Kairo.
Ang DNA test din na isinagawa kay Margareth at sa kaniyang sanggol si Ayu ay nagbunga din ng negatibong resulta, o hindi sila mag-ina.
Sumailalim ang parehong mag-asawa sa isang confirmatory DNA test at pumayag na ibabalik ang mga hawak nilang sanggol kung magpopositibo ang mga resulta.
Lumabas sa mga resulta na parehong positibo, o nagkapalit nga ng mga anak sina Aphril at Marvin, at Margareth at Kim.
Tatlong taon matapos ipalabas ang kuwento ng baby switching sa KMJS, binisita ni Jessica ang dalawang bata, na kaniya ring mga inaanak.
Pareho ngayong bibo sina Ayu at Kairo.
Matapos ang kalunos-lunos na karanasan ng dalawang mag-asawa sa pagpapalit ng kanilang mga sanggol, nagkikita-kita at nagkaka-bonding na ang dalawang pamilya paminsan-minsan.
"Automatic na 'yun na pag uuwi kami doon sa Montalban, dapat magkikita kami. Kasi gusto ko po maglalaro silang dalawa at saka makakapagkwentuhan din kami ni Aphril," sabi ni Margareth.
Bukod dito, nagkakasundo rin sina Ayu at Kairo, ayon pa kay Margareth.
Noong kaarawan ni Baby Ayu, pumunta sina Margareth at Kim.
“Ikinatutuwa po namin ‘yun kasi nag-effort po talaga sila na pumunta para sa birthday ni Ayu,” sabi ni Aphril.
Noong ikinasal sina Margareth at Kim, imbitado ang pamilya nina Aphril at Marvin.
“Parang extension family po. As in hindi lang friendship. Anak na rin po ‘yung turing namin kay Kairo. Nahulog din po talaga kami sa kaniya noong time na inaalagaan pa po namin siya,” paglalahad ni Aphril.
“Noong time na nagpalitan na, hawak ko na si Ayu pero si Kairo ‘yung iniiyakan ko,” dagdag pa niya.
“Kasi napamahal na nang sobra namin si Kairo eh,” sabi naman ni Marvin.
Samantala, hindi na itinuloy ng parehong mag-asawa ang pagkakaso sa ospital na napagpalit ang mga batang sina Ayu at Kairo.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News