Naglalakad lang sa bahagi ng Parola compound ang isang gwardya nang bigla siyang tuhurin ng isang lalaki habang nakatalikod. 

Maya-maya, nalaglag ang kanyang service firearm.

Agad itong pinulot ng isang lalake, hanggang sa kinasa nit ang baril at ilang beses siyang sinubukang paputukan habang pinagtutulungang gulpihin ng dalawang lalaki.

Masuwerte na lamang at naka-lock daw ang baril kaya hindi rin ito pumutok. 

Ayon sa pulisya, agad naman rumesponde ang ilang kabaro ng biktima kaya agad din tumakas ang mga suspek.

“Nung nalaman ito ng mga pulis natin ng Delpan Police Station, nagbuo agad ng tracker team para mahuli itong mga suspek na ito at dun sa course ng follow up operation nahuli natin yung isa sa tatlo,” sabi ni Police Major Philipp Ines. spokesperson ng Manila Police District (MPD).

Nabawi sa suspek ang baril ng biktima, sa kuwento ng 53-anyos na biktima, bibili lang sana siya ng pagkain sa kalapit na tindahan nang lapitan ng mga suspek na umano'y mga lasing.

Hiniritan daw siya ng mga ito ng pang yosi pero hindi agad nakapagbigay ang biktima. Dito na umano nagalit ang mga suspek at bigla na lang siyang binugbog.

“Hinampas nako ng helmet ng isa yung sa naman pinulot yung baril ko dahil tumalsik, kinasa niya tapos pilit niya talagang pinaputok sa mukha ko, kala ko nga sir katapusan ko na talaga eh,” sabi ng biktima.

“Nung hindi pumutok sa una sir, kumasa uli hanggang apat na beses na kasa un sir,” dagdag pa nito.

Sa ngayon ay hawak na ng Delpan Police Station ang lalaking nagtangkang bumaril sa biktima. Nasampahan na siya ng reklamong attempted murder, robbery at paglabag sa comprehensive law on firearms and ammunition

Sabi ng MPD, nasampahan na rin reklamo ang dalawa pang suspek at hinihintay na lang nila na ilabas ng korte ang warrant of arrest laban sa kanila.

—VAL, GMA Integrated News