Ikinagulat ng marami, lalo na ng mga nasa Boracay nang may makita at mahuli na isang buwaya na walong talampakan ang haba na lumalangoy sa dagat. Saan nga kaya ito nanggaling?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng ilang staff ng isang hotel doon na Huwebes pa lang ng umaga noong nakaraang linggo ay napansin na nila ang isang tila punong kahoy na palutang-lutang sa dagat.
Pero nang mapalapit sa dalampasigan ang inakala nilang punong kahoy, dito na nakumpirma ng mga tao na isa itong buhay na buwaya.
Agad namang kumilos ang mga tauhan ng barangay, Philippine Coast Guard, Department of Environment and Natural Resources at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, para sagipin ang buwaya at mailayo sa disgrasya ang mga tao.
Pero hindi naging madali ang paghuli sa buwaya sa pamamagitan ng paggamit ng lambat dahil sa palipat- lipat ito ng puwesto at lumulubog sa ilalim ng dagat.
Ngunit nagtiyaga ang mga tao at gumamit ng mas malaking lambat hanggang sa ligtas na nilang nahuli ang buwaya, na tila pagod na pagod na umano sa paglangoy sa malakas na alon.
Dinala naman sa Community Environment and Natural Resources Office sa Malay ang buwaya na isang saltwater crocodile na maayos naman ang kalagay.
Palaisipan pa kung saan nanggaling ang buwaya pero ayon kay Catherine Ong, OIC ng MDRRMO ng Malay, galing ang direksyon ng tubig noon sa Mindoro, Romblon, Palawan na mayroong mga buwaya.
Tiniyak din ni Ong na ligtas pa ring maligo sa beach ng Boracay at lagi umanong may nagbabantay sa karagatan sa lugar upang tiyakin ang kaligtasan ng mga tao.--FRJ, GMA Integrated News